Ako ay may lobo,
Lumipad sa langit,
‘di ko na makita
N |
akakatuwa mang isipin na kung ang mga bagay sa palibot natin ay nakakapagsalita, magpoprotesta kaya sila? Pupunta sa EDSA, magdadala ng karatola at hihiyaw para sa kanilang karapatan at katarungan o di naman kaya mag-aaklas at tutungo sa mga kabundukan para magsimula ng rebolusyon. Ito ay isa lamang sa mga persunipikasyon na ang iba pang mga likha ng Diyos ay lubha ng naabuso at nasasaktan. Hindi naman kasi sila makakapunta sa kongreso at hihingi ng diplomasya. Wala kasi silang kakayahang magsalita kaya naman ang mga mahahabag na manunulat ay idinadaan nalang sa kanilang sining ang mga hinaing ng mga kaawa-awang mga likha ng Diyos. Kung kayo ang tatanungin, sino ba dapat ang sisisihin sa kanilang paghihinagpis at kalungkutan?
Ang mga TAO ba?
Hmmmm… Ano nga ba ang TAO? Sino nga ba tayo? Nararapat ba tayong sisihin sa pagkasira ng kalikasan?
Ang tao na yata ang pinakamatalinong likha ng diyos. Sa lahat ng mga likha niya, tayo ang pinakanamukadkad, ang nagpapagalaw at namamahala sa lahat ng mga bagay dito sa ibabaw ng mundo. Wala na sigurong higit na nangingibabaw kundi ang biyayang bigay sa atin ng maykapal. Kung ating susuriin at pagninilaynilayan, ang isip at pandama natin ang humuhubog sa iba pang mga likha. Samakatuwid, tayong mga tao ang binigyan ng Diyos ng obligasyon na pangalagaan ang iba pang mga nilalang, mga nilalang na hindi nagantimpalaan ng talino. Bagay na nakalimutan o hindi naman kaya, hindi alam ng iba sa atin.
Ang masakit sa parte ng pagiging tao ay ang kahinaan sa pagbibigay halaga ng mga nasa palibot natin. Hindi natin namamalayan nawawala na pala ang mga bagay na dapat nating pangalagaan. Mahilig tayong gumamit ng mga bagay na likha ng Diyos, ngunit hindi naman natin iniingatan. Bugkos, sinisira pa natin. Hindi, tayo nakukuntinto hangat hindi tayo nasasayahan o nakukuntento.
Ang kalikasan ang tangi nating yamang mayroon tayo. Dito natin kinukuha ang lahat ng ating pangangailangan. Mula sa pagkain, damit, bahay at maging sa ating pinaglilibangan. Subalit, ang iginanti natin sa kalikasang lumakandong sa atin ay pagkawasak. Dahil sa ating abisyong makamit ang katotohanan, ito’y tila kahoy na lamang na dahandahang natutupok sa apoy, apoy na sumisimbolo ng ating kasakiman. Masakit mang isipin ngunit ito ang mapait na katotohanan, mula pa noong sinimulan nating yumabong at magtayo ng sibilisasyon, winawasak natin ang kalikasan ng hindi natin namamalayan. Ang mga hayop, halaman, tubig, lupa at kalangitan, ang mga ito ang nagbibigay buhay sa bawat tao sa lupa at tayo ang maghahatid sa mga ito ng pagkawasak.
Ang PAG-UNLAD nga ba?
Sa paglipas ng panahon, unti-unting yumayabong at umuusbong ang sibilisasyon ng tao. Ang kaginhawaang hatid sa atin ng industriyalismo ang nagbibigay suporta sa ating pag-unlad. Ito ang nagsibilbing pondasyon ng modernisasyon at makabagong teknolihiya. Pinupukaw daw nito ang ating mga kamalayan paalis sa kamangmangan. Bawat pangangailangan ay madaling napupunan gamit lamang ang simpleng mahika ng siyensya at agham. Sining na maituturing ang mga ito. Mga arte, obra maestra ng ating mayamang kaisipan. Napakasarap isipin na ito ang nagbibigay ginhawa sa ating magulo at maingay na mundo.
Ngunit ito rin ang dahilan ng pagkalason at pagkasira ng ating mga likas na yaman. Simula noong 1800, mga makina na kasi ang kadalasang nagpapatakbo at gumawa ng mga dapat ay gawain ng mga tao. Ang mga usok na galing sa mga paktorya ay lumilikha ng mga nakakalasong materyal tulad ng carbon monoxide at sulfur dioxide. Maraming mga puno ang pinutol at mga bundok ang pinatag at hinukay para sa pagpapatayo ng mga gusali at tahanan ng mga tao. Ang mga maruruming likido na galing sa mga pagawaan ang lumalason sa mga organismo ng ating karagatan. Sanhi rin ang pagmimina sa pagkatigang ng lupa at pagkamatay ng likas ng kagubatan dahil sa inilalabas nitong mga kemikal. Tinatabunan kasi ng kaginhawaang hatid ng industriyalismo ang mga maidudulot nito sa kapaligiran.
Ang KALIKASAN kaya?
Ang kalikasan ang nagbibigay ng lahat ng pangangailangan ng mga nilalang sa mundo. Sinisimbolo nito ang buhay at kasaganahan. Dito kumakanlong ang ibat-ibang uri ng mga hayop na nagbibigay ng damit, bahay, at pagkain sa mga tao. Pinoprotektahan nito ang mga maliliit na organismo at iba pang mahahalagang bagay sa kapaligiran. Kadalasan, inihahambing ito sa isang mapag-arugang magulang kung kaya ito ang tinaguriang ina ng lahat ng mga nabubuhay.
Kung sinisimbolo nito ang buhay at kasaganahan, sinisimbolo rin nito ang pagkawasak at kahirapan. Tulad ng isang inang mapag-aruga kapag napuno at nagalit ay nagiging mapagparusang magulang na hindi titigil hanggat hindi natototo ang kanyang anak. Kapag nagalit ang kalikasan at nasaktan, kaya nitong hawiin ang lahat ng kanyang nasasakupan. Hindi ito mangangamba na mawasak niya pati ang kanyang sarili sapagkat alam nito na mahihilom at maayos ang lahat ng nawasak sa kanya. May kakayahan kasi itong gamutin ang mga sugat na dulot ng panahon ang likha ng tao.
Pero sino nga ba kaya ang dapat sisisihin?
Sino ba ang gumawa sa lahat ng mga ito?
Ahhh.. ang DIYOS?
Likas na talaga sa mga tao ang manisi sa kapwa sa tuwing may pagkakamaling nagawa o pagkukulang ng kapwa. Hindi lamang sa kanyang kapwa, kundi pati na rin sa Diyos lalong-lalo na kung ang kamalasan, sobrang paghihirap at pagkatalo ang dumarating sa kanyang buhay. Dapat nga ba talagang sisisihin ang Diyos? Ika nga, ang Diyos ang gumawa ng lahat o ang nagbigay disenyo sa kung ano man meron tayo sa mundo. Kung siya nga ang gumawa ng lahat, ibig sabihin siya ay parte kung anumang meron tayo ngayon. Puwedeng tagumpay o pagkatalo. Ayon naman sa iba, ang taong makikitid lamang ang pag-iisip ang may kakayahang sisihin ang Diyos sa kung ano man ang kanyang narating lalong-lalo na kung ito ay kamalasan o pagkatalo.
Ang Diyos ang gumawa ng disenyo sa mundo at gumawa ng lahat ng ito. Subalit hindi ito nangangahulugan na siya ang gumawa ng ating kamalasan. Kabutihan para sa ating lahat ang tangi niyang ninais at hinangad.
Sino nga ba talaga ang dapat sisihin?
Tayo talagang mga tao. Ang hilig manisi makaligtas lamang sa ating mga kasalanan. Ang iba sa atin nagmamaangmaangan tila ba hindi alam kung ano nga ba ang nangyayari sa mundo. Pati Diyos sinisisi natin sa ating mga nagawang kamalian.
Hayaan niyong bigyan natin ng paglalagum ang mga kuro-kuro kung sino nga ba ang dapat sisisihin … AKO?
Pumutok na pala,
Sayang ang pera ko,
Ibinili ng lobo,
Sa pagkain sana’y
NABUSOG PA AKO….
Huwag sana nating hayaan na mawala na ang lahat bago pa natin mapansin ang mga nangyayari sa ating kapaligiran.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento