Martes, Setyembre 6, 2011

Simula ng Kabatiran


Para sa mga kabataang nangangarap maging matagumpay at mairaos ang kanilang sarili sa putik ng kahirapan ang pagkakaroon ng pangalan at designasyon ay isa sa mga paraan upang mapatunayan ang kanilang kagalingan at kakayahan sa iba. Normal na siguro sa mga kabataan ngayon ang magpatagisan ng kanilang galing at talino maihayag lamang na sila ang masnangingibabaw, na dapat hangaan at purihin. Mundo ng kompetisiyon mula nang imulat nila ang kanilang dalisay na kamalayan sa mabilis na agos ng panahon. Bawat isa ay lubos na nagmamadaling abutin ang kanilang mga hangad maiwasan lamang maging huli at lumabas na talunan na ang tanging gantimpala ay ang mapait na alaala ng pagkatalo. Kailangang maging mas matalino o mas mataas, lamangan at agawin ang titulo kung kinakailangan, ganito ang mundong nakasanayan ko, kung saan ako ay nahubog at namulat sa pait ng kahirapan. Mundo na puno ng walang saysay na kompetisyon at pagmamaramot. Dito, kung sino ang mas magaling at mas malakas sila lamang ang may karapatang magtagumpay, ang mga mas mahina ay hindi binibigyang halaga at nararapat lamang na sumunod sa kung ano ang naisin ng mga mas mayayaman. Sa kasamaang palad, naging isa ako sa mga mahihina, laging kinukutya at pinagtatawanan, naging sunud-sunoran sa kung ano mang naisin nila. Ngunit noong nabigyan ako ng pagkakataong patunayan ang aking sarili, natulad lamang ako sa iba ko pang mga kasamahan na hindi ang pagiging mahabag na pinuno ang ipinapakita kung hindi pagmamayabang at pagmamalaki sa sarili – na tipikal sa ating mga lider ngayon.
Isa ako sa mga kabataang lumaki sa hirap at patuloy na nagsisikap upang maging matagumpay at maiahon ang sarili sa putik ng kadukhaan. Apat na taon na ang nakakalipas simula ng mawala ang pondasyong umaagapay sa akin, ang aking lolo at lola. Bata pa lamang ako noong ako ay naulila sa ama, ang ina ko naman ay walang araw na hindi abala sa pagtatrabaho maitaguyod lamang ang aming pang-araw-araw na pangangailangan. Samakatuwid, mulat na ako sa kahirapan at kalungkutan ng buhay. Ito ang naging insperasyon ko upang pagyabungin ang aking pangarap at tuparin ang kagustuhan ng aking puso na maging maunlad ang pamumuhay. Ngunit, habang ako ay nagninilay-nilay lubos kung naisip na kulang ang insperasyon at pagsusumikap dapat maging angat ako sa iba, dapat lamangan ko ang lahat makamit lamang ang aking gusto.
Sinikap kong maisakatuparan ang hiling ng aking kabatiran. Kahit papano ay nakamit ko ang ilan sa aking mga ninais. Isa na rito ang pagiging konsehal ng aming departamento at ang paghirang bilang isa sa mga nangungunang mag-aaral sa buong universidad ng estado ng Mindanao. Ngunit ng lumaon, naging maramot ako at mapanlamang sa kapwa. Wala sa aking ideyolohiya ang tumulong at ang tanging alam ko lamang ay ang aking ambisyon. Ang mundo ko ay nakasentro lamang sa kung ano ang gusto ko. Wala akong pakialam sa mga nangyayari sa aking palibot. Hindi ko batid kung nahihirapan man ang mga tao sa paligid ko basta hindi nakakasama sa aking kapakanan ay ayos lang. Nang tumagal, ang hilig ko sa kompetisyon ay yumabong na sa damot at inggit, mga karakter na wala ako noong ako ay mahina at nagsisimula pa lamang. Tila ba nilalamon na nito ang buo kong pagkatao. Hindi na ako makawala dahil tumatak na sa aking kamalayan na ang pinakamagaling at pinakaangat lamang ang mahalaga, dahil ako ang mahirap, dahil ako ang masnangangailangan. Ito na yata ang pinakamalaking pagsubok na dumating sa aking buhay - ang humamon sa aking pagkatao, bilang isang mamamayan, bilang isang batang namulat sa kahirapan.
Isang araw habang kami ay nag-uusap ng mga kapwa ko konsehal ng aming departamento, narinig ko ang balitang nangangailangan ang mga grupo ng mga kabataan ng Kapayapaan Kapatid Council ng mga boluntir para sa kanilang misyon sa Munisipyo ng Maasim. Hindi ko alam kung ano ang gagawin doon at kung para ay tumulong ay wala akong pakialam, sapagkat ang ninanais ko ay ang makakuha ng certificate upang maidagdag ko sa aking kuwalipikasyon bilang isa sa pinakamagaling na mag-aaral.
Ika-walo ng Oktobre taong dalawang libo at walo, ito ang araw na binago ang aking buong pagkatao, araw rin na namulat ang aking mga mata sa totoong paligsahan ng buhay. Pagkababa ko sa bus na aming sinasakyan, laking gulat ko nalang ng aking makita ang mga taga-roon na biktima ng insurhensya at pang-aapi ng mga bandido. Damang-dama ko pa hanggang ngayon ang hirap na kanilang pinagdadaanan. Lubog na nga sila sa kahirapan binibiktima pa sila ng mga taong hangad ay mapabagsak ang gobyerno. Ang mga inosenting mga bata ay nanginginig sa sobrang takot at ang iba ay tila bingi sa putokan. Halos wala silang makain at ang kanilang panandaliang kanlungan ay ang mga pinagtagpitagping mga kahoy at kawayan, ni wala ngang  dingding para labanan nila ang lamig at ulan. Hindi ko lubos na akalain na ako’y mapaluha ng pinagmasdan ko ang isang batang takot lumapit sa ibang tao dahil sa troma. Ako’y napatigil at tahimik na binulong ang mga salitang “ang swerte ko pala".
Sa pangalawang araw namin, pinaguhit namin ang mga bata kung ano ang gusto nilang maging paglaki nila. Lumapit ako sa isang batang gumuhit ng taong tinutuhog ng bangkaw ang isang lalaking nakauniporme. Tinanong ko siya kung bakit niya iginuhit iyon, paiyak niyang sinabing “ito ako paglaki ko, at gagantihan ko itong taong ito dahil pinatay niya papa ko”. May isang bata namang gumuhit ng bus at pangiting sinabi sa aking “kuya ito ako paglaki ko, gusto kong maging bolunti, gusot kong magbigay ngiti sa ibang mga bata tulad ng ginagawa niyo”.
Sa mga pagkakataong iyon ko napagnilay-nilayan na may masmahalaga pang mga bagay dito sa mundo higit sa pagkakaroon ng karangalan o kapangyarihan, higit sa pagsisikap makamit ang mga pansariling ambisyon; at iyon ang pagtulong sa kapwa, mga obligasyon na dapat matuklasan ng bawat isa sa atin. Doon ko nalamang hindi kahirapan o kahinaan ang aking problema kundi ang aking pagiging makasarili at pagmamalaki sa sarili.
Salamat sa kanila at nalaman ko ang magpakumbaba.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento